MANILA, Philippines - Aminado ang Department of Health (DOH) na mahihirapan silang magpatupad ng total ban sa mga firecrackers sa bansa dahil na rin sa pagtutol mismo ng mga mamamayan.
Bagamat ang total ban sa firecrackers ang pinakasiguradong pamamaraan upang maging mas ligtas mula sa firecracker-related injuries tuwing nagdiriwang ng Bagong Taon, sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na paiigtingin na lamang nila ang kanilang kampanya laban sa firecrackers upang higit na maging mas epektibo ito.
Sa kabila kasi ng mga programa ng pamahalaan at patuloy na pagpapaalala sa mga mamamayan laban sa panganib na dulot ng paputok ay taun-taong dumarami ang mga taong nabibiktima pa rin nito.
Sa datos ng DOH, kahit may “Iwas-Paputok campaign” ay umabot pa rin sa 1,036 ang firecracker-related injuries, o 41 porsiyentong pagtaas mula sa 733 injuries noong 2008.
Karamihan din umano sa mga biktima ay mga paslit kaya’t walang sawa naman sa pagpapaalala ang pamahalaan sa mga magulang na maging mapagbantay at tiyaking hindi hahawak ng paputok ang kanilang mga anak upang maiiwas ang mga ito sa panganib.
Sa Pilipinas, tanging ang Davao City ang nagpapatupad ng total firecracker ban simula pa noong 2001.
Naging epektibo naman umano ang naturang ban upang mapababa ang mga fireworks-related cases sa bansa, at noong 2009, isang kaso lamang ng pagkasugat dulot ng paputok ang naitala sa lungsod.
Tiniyak naman ni Ona na magtutulungan ang DOH at DILG upang matiyak na magiging mas ligtas ang nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Mahigpit ding ipagbabawal ang paggamit ng mga delikadong paputok tulad ng Super Lolo, Baby Dynamite, Bin Laden, Goodbye Philippines, Bawang, Pla-pla, Watusi, Lolo Thunder, Kwiton, Giant Whistle, Judas Belt at Atomic Bomb na pawang may explosive content.