MANILA, Philippines - Hindi pabor si dating NBI Director Mariano Mison sa naging pasya ng Korte Suprema sa Vizconde massacre case.
Nadidismaya si Mison kung bakit mas pinanigan ng Korte Suprema ang alibi ng mga akusado kaysa sa kredibilidad ng mga testigo na nagdidiin sa mga akusado sa krimen.
Tila umano nabalewala ang ginawang pag-iimbestiga ng NBI kaugnay ng nasabing kaso.
Lumalabas umano na hindi pinakinggan ng nakararami sa mga mahistrado ang mababang hukuman na duminig sa kaso at tila minaliit nila ang kredibilidad ng mga testigo.
Gayunman, aminado si Mison na wala na silang ibang magagawa kundi tanggapin na lamang ang naging desisyon ng Korte Suprema na lumikha ng malaking palaisipan kung sino ang totoong may kagagawan ng krimen.
Naaawa lamang umano siya kay Lauro Vizconde sa kinasapitan ng kaso dahil bigo itong makakuha ng katarungan para sa kanyang mag-iina na pinaslang.
Si Mison na nagsilbing NBI director noong taong 1995 ang nanguna para makakuha ng matitibay na lead ang mga otoridad kaugnay ng Vizconde Massacre case at sa ilalim din ng kanyang pamumuno sa NBI nang matunton si Jessica Alfaro na naging star witness sa kaso.