Xmas party sa mga iskul gawing simple
MANILA, Philippines - Muling nanawagan si Department of Education (DepEd) Secretary Bro. Armin Luistro sa mga opisyales at guro ng mga pampublikong paaralan na gawing simple at hindi magastos ang pagsasagawa ng Christmas party ngayong Disyembre.
Inulit ni Luistro ang panawagan sa pagsunod sa DepEd Order no. 114-2009 na nagsasaad na hindi magiging sapilitan ang kontribusyon para sa isasagawang party at dapat maging boluntaryo lamang.
Kinakailangan rin umano na maging simple, mura, o kung maaari ay gawa ng mga estudyante bilang proyekto upang makatipid. Hindi rin umano dapat maging mahal ang halaga ng regalo para sa “exchange gift”.
Kung ipagpapaliban naman umano ng isang paaralan ang pagdaraos ng Christmas party, nararapat na ilagay sa “savings” ang makokolektang pondo upang maibahagi sa mga apektadong pamilya ng iba’t ibang kalamidad.
Kung itutuloy naman ang party, nararapat na maisagawa ito na hindi maaapektuhan ang normal na pagdaraos ng mga klase, serbisyo sa mga mag-aaral at iba pang akademikong gawain ng isang paaralan.
Sinabi ni Kenneth Tirado, ng DepEd Public Information Office, na maaaring pag-usapan na lamang ng mga opisyales at guro ng paaralan at mga magulang at mag-aaral ang uri ng Christmas party na kanilang idaraos ngunit nararapat na susunod sa alituntunin na inilabas ng ahensya.
Ito’y makaraang may mga paaralan ang nagbabawal na ng pagdaraos ng nakagawiang Christmas party ngunit hinihiling naman ng mga mag-aaral sa katwirang isang beses lamang ito idaraos kada taon.
- Latest
- Trending