MANILA, Philippines - Tutol ang grupo ng mga mamamahayag na maitalaga si election lawyer Atty. Sixto Brillantes sa Comelec dahil sa pagkaka-ugnay umano nito sa mga Ampatuan.
“Ngayon pa lang ay bantayan na ang nominasyon ni Brillantes para hindi makalusot,” pahayag ni Marlon Purificacion, vice president ng National Press Club.
Nagsilbi umano si Brillantes bilang abogado ng mga Ampatuan noong 2001 election laban sa akusasyong pandaraya at pananakot ng mga kalaban sa pulitika. Taong 2001 ng sumikad ang hawak ng mga Ampatuan sa Maguindanao. Ang mga Ampatuan ang itinuturong utak umano sa pagmasaker sa 57 katao na kinabibilangan ng 37 taga-media, sa Maguindanao.
Nagpahayag din ng pagtutol ang ilang cause oriented groups kay Brillantes dahil na rin sa bansag umano dito ng kanyang mga kritiko na “backroom operator” o ginagamit umano ang kanyang koneksyon para makakuha ng paborableng desisyon.
Una nang sinisi ng NAMFREL si Brillantes kung bakit hindi nito nakuha ang accreditation bilang election watchdog noong 2010 election.
Bukod kay Brillantes, ilan pa sa mga pangalan na sinasabing papalit sa nagbitiw na si Comelec Chairman Jose Melo sina DOJ Secretary Leila de Lima, dating Senator Aquilino Pimentel Jr., Constitutionalist Joaquin Bernas S.J. , Supreme Court Associate Justice Eduardo Nachura at Election Lawyer Romulo Macalintal.
Ilang grupo naman ang suportado si Fr. Bernas dahil na rin sa kaalaman nito sa election laws gayundin kay Justice Nachura na bago naitalaga sa SC ay naging legal counsel ng nakaraang administrasyon.
Si Atty. Macalintal ay dating election lawyer ni Pangulong Gloria Arroyo habang si Atty. Brillantes ay nagsilbing abogado ni Pangulong Aquino noong nakaraang eleksyon.
Umapela naman ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kay Pangulong Aquino na magtalaga ng isang opisyal sa Comelec na hindi nasangkot sa anomalya.