MANILA, Philippines - Pumalag ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa hindi pag-awat ni Finance Sec. Cesar Purisima sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno particular si Pangulong Aquino sa planong paggamit sa pension funds upang pondohan ang Public-Private Partnership Projects.
Kinastigo ng mga lider ng militanteng grupo at mga guro ang planong ito ng Aquino government na galawin ang pension fund para pondohan ang PPP project ni Pangulong Aquino.
“Ang pension funds ng GSIS at SSS ay dapat na gamitin lamang para sa kapakanan ng kanilang mga miyembro tulad ng emergency loans, pension at death payments, retirement at health benefits at maging sa edukasyon ng mga anak ng beneficiaries,” wika pa ng Pamalakaya at Alliance of Concerned Teachers.
Anila, hindi dapat galawin ang pension fund upang pondohan ang ibat ibang project ng gobyerno dahil ito ay nakalaan para sa mga miyembro ng SSS at GSIS.
“Hindi makatarungan para sa mahigit 25 milyong kasapi ng SSS at 1.5 milyong GSIS members na kalikutin ang perang nakalaan para sa kanilang kagyat na pangangailangan at maging sa kanilang pagtanda para isulong ang sinasabing partnership ng gobyerno at pribadong mamumuhunan sa billion-peso projects na malinaw na ang huli ang lubos na makikinabang,” giit pa ng ibat ibang grupo.
Partikular na tinukoy ng mga ito ang naunang ulat ng economic team ni Pangulong Aquino na ang P200 bilyon na pondong pandagdag sa P12 bilyong badyet sa taong 2011 bilang counter-part ng gobyerno para sa PPP projects ay babalikatin ng GSIS at SSS.
Hinihikayat din ng mga nagpo-protestang grupo ang kani-kanilang kinatawan sa Kongreso na harangin ang planong pagsalaula sa pondong nararapat lamang ilaan sa mga miyembro ng GSIS at SSS na silang matiyagang nagko-contribute para dito.
Binatikos din ng grupo at sinigurong papapanagutin si Sec. Purisima sa umano’y kapabayaan nitong ipagtanggol ang pondo ng SSS at GSIS laban sa maling paggamit ng gobyerno dahil malinaw na nalilihis ito sa matuwid na daan.