MANILA, Philippines - Pormal nang hiniling ng tanggapan ng Ombudsman sa pamahalaan ng Estados Unidos na ibalik nito sa bansa ang 100,000 dolyares na nakumpiska sa dalawang anak ni dating AFP Comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia noong 2003.
Ang request ay hiniling ni Ombudsman Merceditas Gutierrez sa pamamagitan ng Department of Justice.
Sinabi ni Gutierrez na ang 100,000 dolyares na nakumpiska ng District Court of Northern California mula kina Juan Paulo Garcia at Ian Carl Garcia noong December 2003 ay bahagi ng nakaw na yaman na hinahabol ng Ombudsman mula sa pamilya Garcia.
Ang magkapatid na Garcia ay nahaharap sa kaso sa Amerika dahil sa tangkang pagpupuslit ng malaking halaga ng salapi na itinago sa kanilang bagahe at nagsinungaling sa US Customs and Border Protection sa halaga ng salaping kanilang dala.
Ang dalawa ay parehong naghain ng guilty plea na nasa ilalim ng custody ng US authorities sa loob ng 100 araw at naisailalim sa electronic monitoring sa loob ng kalahating taon.
Ang mga ito ay nakatakdang hatulan sa Lunes, Nobyembre 29 sa sala ni US District Court Judge Marilyn Hall Pate.