Condom aprub sa Santo Papa
MANILA, Philippines - Mistulang dagok sa Simbahang Katoliko ang naging pahayag umano ni Pope Benedict XVI na may mga benepisyo ring nakukuha sa paggamit ng condom, sa kabila nang mahigpit na pagtutol dito ng Simbahang Katoliko.
Batay sa ulat ng Associated Press, ginawa ng Santo Papa ang nasabing komento sa isang German book na pinamagatang “Light of the World: The Pope, the Church and the Signs of the Times” na nakatakdang ilathala ngayong buwan.
Sa nasabing report, sinabi umano ni Pope Benedict XVI na hindi moral solution ang paggamit ng condom upang mapigilan ang paglaganap ng nakahahawang sakit na AIDS subalit may mga pagkakataon umanong napakikinabangan ito tulad na lamang sa mga prostitute.
Taliwas naman ito sa naunang pahayag ng Santo Papa ng bumisita ito sa Africa noong isang taon kung saan iginiit nito na hindi ang pamamahagi ng condom ang sagot sa pagkalat ng AIDS sa halip ay lalo lamang nitong pinapalaki ang problema.
Bilang reaksiyon, hindi naman naniniwala sa naturang ulat ang ilang Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas at sinabing posible umanong ginagawa lamang ito upang ibagsak ang simbahan. Anila, imposibleng sabihin ito ng Santo Papa dahil taliwas ito sa turo ng simbahan.
- Latest
- Trending