MANILA, Philippines - Upang lalo pang patatagin at pagandahin ang relasyon ng mga manggagawa at negosyante ay itinatag ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang Tripartite Industrial Peace Council (TIPC) sa lungsod.
Kasabay nito, gaganapin ang oath-taking ng mga opisyal ng TIPC ngayong araw kung saan ay mismong si Echiverri ang magiging chairman ng itinayong samahan.
Ayon kay Echiverri, isa sa layunin ng TIPC ang mapangalagaan ang karapatan ng bawat miyembro nito at maging maayos ang ugnayan ng mga manggagawa at negosyante para sa mas magandang relasyon ng bawat isa.
Bukod dito, ang TIPC din ang magsusulong sa kongreso upang agad na maipatupad ang mga probisyon na nakasaad sa Executive Order #403 na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino noong May 30, 1990.
Sa pamamagitan din ng itinatag na samahan ay agad na matutukoy kung may namumuong alitan sa pagitan ng mga manggagawa at negosyante nang sa gayon ay mabigyan ito ng kalutasan bago pa mauwi sa pagkakaroon ng hindi maayos na relasyon.