MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang paggiit sa mga bus operators na bigyan ng regular na suweldo at iba pang kompensasyon ang kanilang mga driver upang masolusyunan na ang problema sa pagkakarerahan ng mga bus sa kalsada upang makaabot sa “quota”.
Sinabi ni Secretary Jose de Jesus na dapat nang matigil ang sistema ng porsyentuhan sa mga bus drivers at konduktor upang hindi mapuwersa ang mga ito na mag-unahan at mag-overloading sa mga pasahero na sanhi ng maraming aksidente at trapiko sa mga pangunahing kalsada.
Ipinaliwanag naman ni Undersecretary at spokesman Dante Velasco na hindi na kailangang idaan pa ito sa Kongreso at maaaring idiretso na nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Maaaring isama umano sa “rules and guidelines” ng mga prangkisa ng bus na gawing “mandatory” sa mga kumpanya ng bus na bigyan ng regular na suweldo ang kanilang mga driver at konduktor. Kung hindi umano susundin ito ay maaaring magresulta sa pagkadiskuwalipika ng kanilang prangkisa.
Plano rin ng DOTC na isulong ang single-dispatching scheme kung saan hindi sabay-sabay na ididispatsa ang mga bus para hindi sila magsiksikan sa kalsada at mas lalaki pa ang kanilang kita.