MANILA, Philippines – Dahil sa dami ng sumbong na ginagamit rin sa paglalakwatsa ang mga ambulansiya ng gobyerno, nais ni Sen. Lito Lapid na sibakin sa trabaho ang mga kawani ng pamahalaan na mapapatunayang nagkasala.
Sa Senate Bill 2458 ni Lapid, sinabi nito na may mga nakarating sa kaniyang sumbong na ginagamit sa pagbubulakbol ang mga ambulansiya ng pamahalaan na dapat ay para lamang sa may sakit na dinadala sa ospital.
“Ginagamit lamang ito sa mga itatakbong pasyente sa ospital. Bawal din itong gamitin sa mga outing o opisyal na lakad ng mga kawani ng munisipyo o lungsod,” sabi ni Lapid.
Dapat aniya’y magkaroon ng batas na magtatakda sa limitasyon nang paggamit ng mga ambulansiya lalo pa’t pera ng taumbayan ang ipinambili sa mga ito.
Nais din ni Lapid na ipagbawal ang paggamit ng wangwang ng mga ambulansiya kung wala namang emergency.
Kung maging ganap na batas, papatawan ng 30 araw na suspensiyon na walang suweldo ang mga mapapatunayang nagkasala sa unang paglabag at 6 na buwan at walang suweldo sa ikalawang paglabag.
Sa ikatlo ay diskuwalipikasyon at tuluyang tatanggalin ang kanilang retirement benefits.