Sa laban ni Pacman ceasefire muna! - AFP

MANILA, Philippines –  Nagdeklara kahapon ng tigil-putukan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mabigyan ng pagkaka­taon ang kasundaluhan na mapanood muna sa mga military camps ang laban ngayon ni boxing champ Manny Pacquiao kay Mexican Antonio Margarito sa Dallas, Texas.

 Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, ito’y para magkaroon rin ng pagkakataon partikular na ang mga rebeldeng NPA at bandidong Abu Sayyaf na ibaba muna ang kanilang mga armas at panoorin ang laban ng Pinoy boxing idol. 

Ang AFP ay may umiiral ng ceasefire sa hanay ng MILF kaugnay naman ng isinusulong na peace talks.

“Ceasefire muna tayo, we are on the defensive mode,” sabi ni Mabanta.

Samantala, upang mapaangat pa ang moral ng mga sundalo, magho-host ang AFP ngayong araw ng libreng live viewing sa iba’t-ibang military camps para sa lahat ng AFP personnel, sibilyang mga empleyado at kanilang mga dependent.

Si Pacman, isang reservist ng Army’s 15th Ready Reserve Division ay may ranggong Senior Master Seargeant.

Bilang isang reservist at kalahing Pinoy ay hangad ng AFP ang tagumpay ni Pacman.

Show comments