MANILA, Philippines - Nagbuga ng abo ang bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon kahapon ng alas-8:11 ng umaga na tumagal ng 57 segundo.
Ayon kay Jack Pertollano, senior science research specialist ng Phivolcs, nasa 500 metro ang layo ng abo na ibinuga ng bulkan sa dakong hilagang-kanluran kung saan apektado nito ang mga barangay ng Casiguran at Juban, Sorsogon.
Nabatid na dakong alas-12:42 ng tanghali ay lumindol sa palibot ng Mt. Bulusan na epekto ng paga-alburuto nito.
“As of 9 a.m., there was no danger of eruption yet,” paglilinaw ni Pertollano.
Kaugnay nito, pinag-iingat ng Phivolcs ang mga residente ng lalawigan mula sa epekto ng abo na naibuga ng Bulusan.
Sa kabila nito, sinabi ni Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Harold Cabunoc na umalerto na ang kanilang tropa para sa malawakang paglilikas ng mga residente sakaling magpatuloy ang pag-aalburuto ng bulkan na isang indikasyon ng nagbabadya nitong pagsabog.
Sinabi nito na naka-standby na ang tropa ng mga sundalo at nagpadala na rin ng M35 trucks partikular na sa Sitio Gimaloto sa Brgy. Ingladian ng Casiguran dahil nais ng alkalde dito na unahin ng ilikas ang mga taong naninirahan sa palibot ng Bulusan.
Sa record ng Phivolcs, huling naitala ang pagsabog sa Bulusan noong 2006.