Tetanus vaccine hindi birth control - DOH
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Health Secretary Enrique Ona na paiimbestigahan niya ang pagkalat ng balita hinggil sa akusasyong isang uri ng birth control ang libreng tetanus vaccine program ng Department of Health (DOH) sa mga babaeng may edad 14 pataas.
Nilinaw ni Ona na malayo sa katotohanan ang kumakalat na ulat hinggil sa nasabing bakuna na maaari umanong pigilan ang pagbubuntis ng isang babae sa loob ng 10 taon. Hindi umano isang uri ng birth control ang tetanus vaccine.
Una nang kinuwestiyon ng isang pro-life group na kinakatawan ni Judge Jesus Quitain, ang memorandum order ng Department of Education (DepEd) na nagbibigay ng libreng tetanus vaccine para sa mga kababaihan na nasa edad 14 pataas.
Nagtataka si Quitain kung bakit mga babae lamang ang bibigyan ng libreng bakuna kontra tetanus gayung maari ring tamaan ng tetanus infection ang mga kalalakihan.
Sa report, sinabi pa umano ni Dr. Racquel Montejo, Health and Planning specialist ng DOH Region XI, na layunin ng libreng bakuna na maisalba ang mga kababaihan sa posibleng pagkamatay sa panganganak dahil karamihan umano ng mga nabubuntis ay hindi sumasailalim sa pre-natal check up.
Lumabas naman ang ulat na isang Dr. Baby Palabyab, isang pro-life advocate, na ang tetanus vaccine umano ay nagtataglay ng kemikal na human chorionic gonadotrophin (hcg), na proteksiyon laban sa tetanus subalit hindi umano mabubuntis ang isang babae sa loob ng 10 taon, na mariin namang pinasinungalingan ng DOH.
- Latest
- Trending