MANILA, Philippines – Naghain ng motion for acquittal sa Korte Suprema si Hubert Webb, ang pangunahing suspect sa Vizconde massacre, matapos mabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) at Paranaque Regional Trial Court na mai-produce ang semen specimen na nakuha sa katawan ng biktimang si Carmella Vizconde, na posible umanong magpatunay ng kanyang pagiging inosente sa kaso.
Sa pamamagitan ng abogado ni Webb na si Atty. Demetrio Custodio Jr. iginiit nito sa 28-pahinang motion na nilabag ng estado ang kanyang constitutional rights sa due process nang mawala ang nasabing specimen habang nasa pangangalaga ng gobyerno, ito man ay sinadya o bunga ng kapabayaan.
Una nang ipinag-utos ng Supreme Court na maisailalim sa DNA analysis si Webb upang maikumpara ito sa semen specimen na nakuha sa labi ni Carmela na ginamit na ebidensya sa kaso.
Gayunman, binawi ng SC ang nasabing kautusan matapos madiskubre na wala na sa pangangalaga ng NBI o maging ng korte ang nabanggit na ebidensya. Nagdesisyon din ang kataas taasang hukuman na desisyunan na lamang ang kaso batay sa hawak nitong ebidensya.
Sa kanyang mosyon, sinabi ng kampo ni Webb na may 15 taon nang nakapiit sa New Bilibid Prisons na wala nang dahilan para manatili ito sa bilangguan dahil inamin na ng mga awtoridad na nawawala ang mahalagang ebidensya.
Naniniwala ang panig ng depensa na kung walang matibay na ebidensiyang magdidiin laban kay Webb at sa iba pang akusado ay marapat lamang na maabswelto ito sa kaso.
Una nang nanindigan si Webb at iba pang akusado sa Vizconde massacre na wala itong kinalaman sa masaker kung saan si Webb ay iginiit na nasa ibang bansa nang maganap ang krimen na sinuportahan nito ng ibat ibang ebidensya.
Sa rekord ng korte, nangyari ang krimen noong June 29, 1991 kung saan napatay si Carmela, inang si Estrellita at nakababatang kapatid na si Jennifer.
Bukod kay Webb, hinatulan din ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong rape with homicide sina Hospicio “Pyke” Fernandez, Antonio “Tony Boy” Lejano, Michael Gatchalian, Peter Estrada at Miguel “Ging” Rodriguez.
Samantala pinatawan ng 12 taong pagkakakulong si Gerardo Biong bilang accessory dahil sa pagsira sa ebidensiya.