Poll violence lumobo pa!
MANILA, Philippines - Umakyat na sa 39 katao ang nasawi sa 78 insidente ng karahasan na naitala sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections, ayon sa Philippine National Police (PNP) kahapon.
Inaasahang tataas pa ang bilang sa pagpapatuloy ng botohan ngayon sa mga lugar na naantala ang eleksyon bukod pa sa mga posible pang ideklarang nagkaroon ng ‘failure of elections‘.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni P/Director Benjamin Belarmino, Task Force HOPE (Honest Orderly and Peaceful Elections), ikinagulat ng PNP na 80% sa mga naitalang karahasan ay naganap sa mga lalawigan at rehiyon na hindi naiklasipikang mga hotspots.
Ayon kay Belarmino, simula noong election period nitong Setyembre 25 hanggang idaos ang halalan nitong Lunes ay nasa 39 katao na karamihan ay mga kandidato ang napatay at 14 naman ang nasugatan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Kinumpirma ng opisyal na nitong Lunes sa pagdaraos ng eleksyon ay nasa anim na kandidato ang napabilang sa mga pinaslang.
Aabot na rin sa 558 mga armas ang nasamsam sa kabuuang 671 gunban violators na nasakote ng security forces ng PNP at AFP sa ilalim ng superbisyon ng Comelec.
Kabilang naman sa mga lugar na hindi inaasahang magkakaroon ng mga karahasan ay sa Western at Central Visayas Region tulad sa Iloilo City, Cebu at Capiz na nagkaroon ng mga insidente ng patayan; Region 1 partikular na sa La Union, Ilocos Norte, Pangasinan na pawang walang presensya ng mga binabantayang Private Armed Groups (PAGs) pero tumindi ang banggaan sa pulitika.
Mananatili naman ang full alert status sa buong Autonomous Region of Muslim Mindanao, ilang bahagi ng Region 12, Masbate, Abra at dalawang lugar sa Taguig City sa Metro Manila bunga ng mainit na banggaan ng magkakalabang kandidato.
Pero sinabi ni Belarmino na sa kabila ng naturang mga insidente ng karahasan ay higit itong mababa kumpara noong 2007 elections sa naitalang 72 insidente kung saan 40 ang nasawi, 31 ang nasugatan at isa ang nawawala.
Idinagdag pa nito na higit na mahirap bantayan ang halalang pambarangay dahil 42,025 barangay ang pinagdausan nito sa buong bansa.
- Latest
- Trending