Gabinete hinikayat na huwag harangin ang Laguna lake rehab
MANILA, Philippines - Hindi kukulangin sa 35,000 mamamayan sa Laguna at Rizal ang humiling sa Gabinete ni Pangulong Aquino na huwag harangin ang pagpapatupad ng Laguna Lake Rehabilitation Project.
Sinabi ng tagapagsalita ng Kilusang Lawa Kalikasan (KLK) na si Gil Navarro, nababagabag sila sa mga ulat na nagsasabing hangad ni Finance Secretary Cesar Purisima na magtakda ng mga bagong kondisyon upang matuloy ang proyekto.
Iginiit ni Navarro na ang kontrata para sa proyekto ay malaon nang nalagdaan bago pa nagsimulang manungkulan ang pamahalaang Aquino sa Malacañang “at makatwiran lamang na lubhang hindi patas upang pwersahin ang contractor na sumunod sa mga alituntuning hindi sakop ng kasunduan.”
Sinusuportahan ng KLK ang proyekto, na idinisenyo para palalimin ang 64,900-ektaryang lawa, makapagpatayo ng navigation channels, fishports at wetlands na magsisilbing panala sa anumang papasok sa lawa.
Pumunta ang pangkat sa Malacañang kahapon at inihain ang petisyon.
- Latest
- Trending