MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na hindi pa mapapasan ng mga motoristang dumadaan sa South Luzon Expressway (SLEX) ang ipatutupad na 300% pagtaas sa toll fee ngayong taon.
Ito ay makaraang ihayag ni Julius Corpuz, spokesman ng Toll Regulatory Board (TRB) na “back to zero” ang gagawing pagrebisa ng kanilang tanggapan sa ipatutupad na toll fee increase sa SLEX.
Aniya, marami pang aspeto ang hindi naisama sa pag-uusap at kinakailangan na sumunod sa direktiba ng Supreme Court, kung kaya hindi pa nila masasabi kung kailan ito maipatutupad.
Kaugnay nito sinabi naman ni Alma Tuazon, spokesperson ng South Luzon Toll Company na kinakapos na ng may P3.1 milyon expenses kada araw ang kanilang kompanya para mamintine ang expenses sa SLEX.
Samantala, kukuwestiyunin pa rin ng grupong PISTON ang anumang maging desisyon ng TRB dahil hindi umano dumaan sa proseso ang “negotiated contracts” na isinagawa sa pagitan ng investor at gobyerno.