15 na patay; P1.3 bilyon sinira ni Juan

MANILA, Philippines - Lumobo na sa mahigit P1.3 bilyon ang pinsalang iniwan ng bagyong Juan, 15 ang nasawi habang 20 pa ang nasugatan.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, na grabe ang naging pinsala sa imprastraktura, agrikultura, pangisdaan at mga eskuwelahan sa mga apektadong lugar na naitala sa P1,379,554,404 bilyong halaga.

Kabilang dito ang P1,375,324,404 bilyon sa agrikultura at imprastraktura at P4,220,000 milyon naman ang mga nawasak na eskuwelahan.

Inihayag ni Ramos na sa 15 nasawi , pito rito ay mula sa Pangasinan at tig-isa sa Ilocos Sur, Cagayan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Kalinga, Benguet at Baguio City na pawang nasa northern Luzon.

Inihayag pa ni Ramos na nasa 15 road sections ang isinara matapos na mabuwal ang mga puno at poste ng kuryente kabilang ang tatlo sa Apayao, isa sa Baguio City, lima sa Benguet, isa sa Kalinga, tatlo sa Mt. Provincie at dalawa sa Ifugao habang anim na road sections rin ang hindi pa madaanan ng mga behikulo na kinabibilangan ng isa sa Ilocos Sur, isa sa Pangasinan, dalawa sa Cagayan, isa sa Isabela at isa sa Aurora.

Lahat ng national roads at tulay ang maari ng madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan maliban sa Nueva Ecija –Aurora Road, KM 180 Cabata­ngan river at Romulo Highway sa Camiling, Tarlac na hindi pa madaanan ng maliliit na behikulo dahil mataas pa ang tubig- baha. (Joy Cantos/Angie dela Cruz)

Show comments