MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Pa ngulong Aquino na bigyan din ng amnestiya ang ibang mga ordinaryong preso na matagal nang nakakulong.
Ito’y matapos pirmahan ng Pangulo ang proklamasyon na nagbibigay ng amnesty sa 300 sundalo na kasama sa tatlong destabilization laban sa administrasyon ni dating Pangulong Arroyo.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Director Rodolfo Diamante, mas dapat na bigyan ng amnestiya ang mga ordinaryong bilanggo kaysa sa mga mutineers. Umaabot sa 96,000 inmates ang nakakulong ngayon habang “hundreds” lamang ang inirekomenda sa Board of Pardons and Parole para mabigyan ng amnesty.
Hindi umano dapat na gayahin ni Aquino ang ginawa ng nakaraang administrasyon kung saan binigyan lamang ng amnestiya ang mga high-profile offenders gaya nina convicted rapist at dating Rep. Romeo Jalosjos, convicted killer Claudio Teehankee Jr., at dating pangulong Joseph Estrada.
Kung nais umano ni Aquino ng pagbabago, kailangan din nitong baguhin ang sistema at dapat itong magsimula sa kanyang administrasyon.
Dapat na rin anyang simulan ni Aquino ang pagpapatawad sa mga nagkasala ng mga ordinaryong krimen. (Doris Franche/ Mer Layson)