MANILA, Philippines - Ipinababasura ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Sandiganbayan Fifth Division ang subpoena na naisyu sa kanya para tumestigo kaugnay sa kasong graft ni NEDA Secretary Romulo Neri na may kinalaman sa $329 million ZTE-national broadband network deal.
Sinabi ni Rep.Arroyo sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Estelito Mendoza, ang una ay hindi maaaring tumayo sa witness stand dahil ito man ay respondent din sa dalawang imbestigasyon na may kinalaman sa ZTE-NBN deal.
Ito ay may kinalaman sa reklamo kay Mrs Arroyo si University of the Philippines–College of Law professor Harry L. Roque sa tanggapan ng Ombudsman at Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa Department of Justice.
Wika pa ni Mendoza, may karapatan ang kanyang kliyente na tumahimik kaugnay ng kaso at self incrimination.
Bunsod nito, niliwanag pa ni Mendoza na hindi maaaring puwersahin si Arroyo na mag testify kahit na si Neri ay defendant sa kasong nakasampa sa Sandiganbayan dahil si Ginang Arroyo ay pinangalanan bilang co-respondent sa Korte Suprema patungkol din sa kasong ito.