Brownout sa 2011, nakaamba sa MM

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang  Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng  malawakang brownout sa  Kamaynilaan at ilang bahagi ng Luzon sa susunod na taon dahil hindi pa napupuno ang lahat ng hydro-electric dam na pinagkukunan ng suplay ng kuryente sa Luzon.

Ayon kay Energy Secretary Jose Rene Almedras, na dumalo sa budget hearing ng Senado kahapon,  kakapusin ng mahigit 300 megawatt hanggang 500 megawatt ang imbak na kuryente sa 2011.

Umaasa umano ang DOE na  kahit “ber” months na ay magkaroon pa rin ng ulan upang mapuno ang mga hydro-electric dam sa Luzon.

Sinabi pa ni Almendras na magkakaroon ng ma­laking problema sa suplay ng kuryente kapag may plantang bumagsak dahil lalong magkakaroon ng shortage.

Ayon naman kay Sen. Ralph Recto,  base sa estimate ng mga independent power producers (IPPs) mas malaki pa sa 300MW ang magiging kakapusan ng suplay ng kuryente sa susunod na taon.

Aminado naman si Almedras kung hindi magdadala ng ulan ang sinasabing La Niña, mas malaki pa sa 300 MW ang magiging kakulangan sa kuryente.

Show comments