MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng isang lokal na opisyal ng Pililia, Rizal ang umano’y mabagal na pagkilos ng tanggapan ng Ombudsman sa mga kasong naisasampa dito na halos ay inaamag na.
Sa isang press conference sa QC, inireklamo ni barangay Chairman Salvador Fidel ng Bgy. Malaya sa Pililia, Rizal ang patuloy na kabiguan ng tanggapan ng Deputy Ombudsman for Luzon na aksiyonan ang naisampa nilang kasong falsification of public documents laban kay Pililia, Rizal Mayor Leandro Masikip Sr. noong 2005 pero hanggang ngayon ay wala pa ding pagkilos ang naturang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon pa kay Fidel, may nakasalang na panibagong ganitong uri din ng kaso ang naisampa nila nitong Agosto 31, 2010 laban pa rin kay Mayor Masikip kaya nangangamba siyang baka bumilang na naman sila ng ilang mga taon bago ito maaksiyunan.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y magkasunod na resolusyon na pinalabas ni Masikip sa ilalim ng parehong resolution number 41 series of 2007 na nag-aapruba sa supplemental budget na may halagang P350,719.21 para sa Sangguniang Barangay ng Bgy. Bagumbayan.