Quinones ng PCSO, nagbitiw hindi sinibak - Chairman Juico
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Margarita Juico ang napaulat na sinibak niya si PCSO-Special Project Department (SPD) head Romualdo Quinones, na siyang namamahala rin bilang project manager ng PCSO-Small Town Lottery (STL).
Ayon kay Juico, kusang nagbitiw bilang manager ng PCSO-STL si Quinones dahil sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng PCSO-STL kaugnay sa isyung jueteng upang bigyang-laya ang imbestigasyon, pero nananatili pa rin si Quinones bilang head ng PCSO-SPD.
Sinabi ni Quinones, dating seminarista, na masyado siyang nasaktan sa mga lumabas na balita na sinibak siya dahil sa pagkakasangkot sa jueteng.
Ayon kay Quinones, career officer siya ng PCSO at maraming administrasyon na siyang napaglingkuran at hindi nasangkot ang kanyang pangalan sa mga anomalya at ngayon lamang ito nasira dahil sa mga “hearsay” ng mga whistle-blower na isinapubliko ng Senado at House of Representatives.
“Ang totoo niyan, dagdag-trabaho ko lang ang pagiging manager ng PCSO-STL, pero nuon pa man ay ayaw ko nang hawakan iyan at alam iyan ng PCSO Board of Directors dahil bukod sa kakaunti lang ang inilagay na mga makakaagapay ko sa pangangasiwa nito, eh nuon pa man ay may mga kontrobersya na rito, pero wala akong magagawa dahil sumusunod lang ako sa utos ng mga nakatataas sa akin at pinagsisikapan naman namin na mapalakas ito at dahil masyado na akong nasasaktan sa mga isyu, kinausap ko nuong Lunes at Martes si Chairman Juico na bibitawan ko na ang pamamahala sa PCSO-STL, kaya hindi totoong sinibak ako dahil kusa akong bumitiw,” ani Quinones.
- Latest
- Trending