MANILA, Philippines - Dahil parang babae umano si Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na hindi tumitigil sa pagsasalita, hinamon ito kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na magsabunutan na lamang silang dalawa.
“Ano ba namang kabalbalan..kalalaking tao parang babae, dakdak ng dakdak. Gusto niya (Singson) magsabunutan na lamang kami,” sabi ni Santiago sa panayam ng DZBB.
Nauna nang hinamon ni Santiago na mag-duwelo sila ni Singson pero labag naman umano ito sa penal code.
Nagkaroon ng ‘word war’ sa pagitan nina Defensor at Singson matapos ibunyag ng senadora sa kaniyang privilege speech na operator ng jueteng sa Ilocos Norte at Ilocos Sur ang gobernador.
Wala na umanong magagawa si Santiago kung patuloy na tatanggi si Singson na makipag-debate sa kaniya pero hindi umano dapat gumawa ng istorya ang gobernador katulad nang graft and corruption at diumano’y pagpatay niya sa nag-suicide niyang anak.
Sinabi pa ni Santiago na kung hindi matanggap ni Singson ang parliamentary immunity ng mga senador ay dapat “sumakabilang-buhay” na umano ang gobernador at makipagdebate sa mga sumulat ng Konstitusyon na pawang mga namayapa na.
Posible umanong naiinggit si Singson dahil sa parliamentary immunity ng mga senador na hindi maaaring kasuhan dahil sa ginagawa nilang pagbubunyag sa kanilang mga privilege speech.
“Ano bang natapos nitong chavit singson? Nakatapos ba ng college yon? Nagagalit...Ang parliamentary immunity eksaktong inilagay sa Batasang Pambansa para ang senador libre na magsabi ng katotohahan na hindi siya takot na kasuhan kaliwa’t kanan. Exactly that’s the purpose of parliamentary immunity...Why is he complaining?” sabi ng senadora.