MANILA, Philippines - Protektado umano ng taga-Office of the Ombudsman ang kanyang ama na isang jueteng lord sa Kabisayaan kaya malaya itong nakakalusot sa mga awtoridad kaya hindi mahuli sa illegal na operasyon nito.
Kinilala ng reliable source ang jueteng lord na si alyas Boy hulyo, na kumikita ng hindi bababa sa P1 million araw-araw dahil kopo nito ang ilang probinsiya sa katimugan bahagi ng bansa.
“Hindi ito masaling ng mga awtoridad sa mga probinsiya sa takot na baka makasuhan sa Ombudsman dahil ang anak nito ay opisyal daw sa graft office,” anang source.
Ayon pa sa source, binubusisi na umano ng grupo ng Anti-Money Laundering Commission (AMLAC) si Boy hulyo para malaman ang mga ari-arian nitong kinita sa illegal gambling at ma-isumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para ma-imbestigahan.
Sinabi ng source, isinumite umano ng AMLAC sa pamunuan ng Ombudsman ang ginawang imbestigasyon tungkol sa illegal operations ni Boy hulyo pero ang nasabing ‘dossier’ ay ibinigay naman sa anak ng gambling lord na taga-Ombudsman kaya malamang na wala umanong mangyari sa pagbusisi ng una.
Ang anak ni Boy hulyo ang sinasabing humahawak ng ‘pr’ ni Chief Ombudsman Merceditas Gutierrez para magkaroon umano ng patas na releases sa mga dyaryo dahil sa kasong impeachment complaint na isinampa sa sinasabing graftbuster chief.