DENR executive sinisi sa problema sa LLRP

MANILA, Philippines - Ang problemang nag­pa­pahirap sa P18.7-Bil­yong Laguna Lake Rehabilitation Project ay nag­simula nang isang mataas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources ang nag­mungkahing ang supply contract nito ay ibahagi sa isa pang Belgian company.

Ayon sa mga doku­mentong may kaugnayan sa usapin, noong huling bahagi ng Mayo 2010, imi­nungkahi umano ni Under­secretary Demetrio Ignacio ang “sharing” ng supply contract ng Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC) sa kalabang Jan de Nul (JDN).

Ang mungkahing ito ay malinaw na taliwas sa ka­sunduang nilagdaan ni dating DENR Secretary Elea­zar Quinto noong Pebrero 5, 2010 at mga sumunod na inamyendahang kasun­duan sa pagitan ni Secretary Horacio Ramos at BDC noong Abril 25, 2010.

Nasorpresa ang BDC sa mungkahi at ni-reject ito at sinabing si Ignacio at Assistant Secretary Mi­chelle Go ay walang awto­ridad na gumawa ng su­hestyon.

Matapos na tanggihan ng BDC ang suhestyon, nagsumite ang JDN ng sariling “unsolicited proposal” para sa proyekto at idinahilan ang basehan nila ng usapin na nauwi sa pagkabinbin ng kontrata.

Sa halip na ibasura ang JDN proposal dahil ang BDC ay nakakuha na ng supply contract, pinagbig­yan ng DENR ang hinaing ng JDN sa pamamagitan umano nina Ignacio at Go.

Show comments