MANILA, Philippines - Bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga produkto galing China ngayong “ber months”, hinikayat ng EcoWaste Coalition ang pamahalaan na salain o magsagawa ng toxicological tests sa samples ng mga alahas o kids jewelry na nagtataglay ng nakalalasong kemikal.
Sinabi ni Manny Calonzo, dating pangulo ng EcoWaste Coalition, kailangang harangin o ipa-recall ang mga alahas ng bata na nagtataglay ng Cadmium sakaling may matutukoy dahil sa posibilidad na gawing ‘bagsakan’ o ‘tapunan’ ng mga na-reject na produktong kids’ jewelry ang bansa.
Sinabi ni Calonzo na una ng pinare-recall ng US Consumer Product Safety Commission ang limang alahas ng mga bata na nagtataglay ng cadmium mula sa China.
Una na ring inaprubahan ng California State Senate ang pagpapasa ng batas noong Agosto na nagbabawal sa pag-manufacture, shipment o pagbebenta ng mga alahas ng mga bata na nagtataglay ng 0.03 porsyento ng Cadmium simula sa 2012.
Mula noong Enero hanggang Hulyo ng taong ito, aabot na sa halos 200,000 recall order ang inilabas ng US Consumer Protection Services Commission (CPSC) laban sa mga alahas ng bata na gawa sa China dahil sa mataas na Cadmium.
Ayon sa US Agency for Toxic Substances and Disease Registry, kung malalanghap ang mataas na level ng cadmium ay magdudulot ito ng damage sa baga.
Ang pagkain o pag-inom ng tubig na may Cadmium ay nakakairita sa sikmura na maaaring magdulot ng pagsusuka at diarrhea.
Kabilang sa may recall order ang mga metal necklaces, pendants, rings, bracelets, earrings at trinkets na iniimport mula China.