Probe sa Pag-IBIG loan tiniyak ni Osmeña

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Sen. Sergio Osmeña na dapat imbestigahan ang P7.1 bilyong anomalya sa Pag-IBIG housing loans na ipinagkaloob nito sa buyer ng lote ng Globe Asiatique sa Pampanga housing projects.

Nais malaman ni Sen. Osmeña, chairman ng Se­nate committee on banks, financial institutions and currencies, kung paano nakakuha at bakit pinayagan na makautang sa Pag-IBIG ang mga hindi naman pala qualified na borrowers.

“Of course, Globe Asiatique was only interested in making sure that it gets paid by Pag-IBIG. It did not care if the Pag-IBIG mortgages get repaid,” paliwanag ni Osmeña.

Natuklasan ito sa pahayag ni Emma Lina Faria, officer-in-charge ng Pag-IBIG fund, na umaabot sa P7.1 bilyon ang naipautang sa 9,951 buyers kung saan ay inaprubahan ng Globe Asiatique ang kwalipikasyon nito sa pamamagitan ng isang kasunduan sa pagitan ng developer at gobyerno.

Natuklasan din ni Faria sa ginawa nilang post-validation at inspeksyon na 400 sa mga borrowers ay hindi naman pala talaga nag-apply ng housing loan at ang 1,000 naman ay hindi mahanap habang ang 200 ay hindi naman kumpleto ang documentary requirements.

Dahil dito, hiniling ng Pag-IBIG fund sa Globe Asiatique na ibalik ang loan na naipagkaloob nila na umaabot ng P1.1 bilyon.

Pero sinabi ng Globe Asiatique na wala silang pera upang maibalik ang nasabing loan kaya baka pasanin ng mga Pag-IBIG members ang luging ito.

Show comments