MANILA, Philippines - Tinanggap ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang hamon ni Pangulong Noynoy Aquino na ibunyag kung sino ang dalawang opisyal ng administrasyon na umano’y sangkot at tumatanggap ng P2 milyon na buwanang payola mula sa jueteng.
Gayunman, sinabi ni Cruz na kinakailangan munang magkaharap sila ng “one-on-one” ni P-Noy at dito mismo niya papangalanan ang dalawa.
Ayon pa kay Cruz, lumantad na siya ngayon upang ibunyag ang mga nalalaman sa jueteng dahil tila nadaragdagan na ang bilang ng mga opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa jueteng.
Ang unang opisyal aniya na kanyang tinutukoy ay dati ng sangkot sa iligal na gawain, habang ang ikalawa ay bago lang.
Hinamon naman umano ni P-Noy si Cruz na maglabas ng ebidensiya upang patunayan ang kanyang mga pahayag.
Anang Pangulo, kahit gaano kaliit na ebidensiya laban sa dalawa ay kaniyang agarang paiimbestigahan.
Naninindigan naman ang arsobispo na ibubunyag lamang niya ito kung mangangako muna ang Pangulo sa kanya na iimbestigahan ang kanyang mga ibubunyag na pangalan.
Sa ngayon, sinabi ni Cruz na titingnan lang muna niya ang gagawing hakbang ni PNoy sa kanyang ibinigay na impormasyon at umaasang maibibigay ng Pangulo ang ipinangakong “landas na matuwid.”
Si Cruz ay dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na kilala sa pagiging anti-gambling advocate at siya ring pinuno ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng.