MANILA, Philippines - Ilang araw bago pormal na bumaba sa puwesto, ikinasa na kahapon ni outgoing PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang ipatutupad na mahigpit na seguridad upang matiyak ang matiwasay at mapayapang pagdaraos ng Sangguniang Kabataan (SK) at Brgy. elections sa Oktubre 25.
“I would like to ask for the public cooperation in this period so that the October 25 SK and Barangay election will go on smoothly,” apela ni Verzosa.
Si Verzosa ng Philippine Military Academy (PMA) Class ‘76 ay nakatakdang bumaba sa posisyon kaugnay ng ‘early retirement‘ nito sa susunod na linggo.
Ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., palalakasin pa nila ang police visibility at maglalatag rin ng mga checkpoints sa mga istratehikong lugar sa panahon ng election period mula Setyembre 25 hanggang Nobyembre 10 o 30 araw bago ang halalan at 15 araw matapos itong isagawa.
Ani Cruz, sa panahon ng election period ay bawal ang pagdadala ng mga baril at anumang patalim gayundin ang pagsusuot ng mga uniporme at insignia ng mga indibidwal na hindi awtorisado.