MANILA, Philippines - Tatlong araw matapos na isailalim sa full alert status ang buong rehiyon ng Mindanao, itinaas na rin kahapon ng PNP sa heightened alert ang puwersa ng pulisya sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, epektibo alas-12 ng tanghali nitong Martes ay nasa heightened alert na ang Police Regional Office (PRO) 1 hanggang 8, NCRPO, Police Regional Office-Cordillera Administrative Region (PRO-CAR) at National Support Units.
Inatasan na rin ni Verzosa ang lahat ng PNP units ang mahigpit na pagbabantay sa bisinidad ng mga paliparan, daungan, simbahan at iba pang mga matataong lugar na ‘soft targets‘ ng terror attack.
Noong Linggo ay nagdeklara ng full alert status ang PNP at AFP sa Mindanao kasunod ng pagkakapatay ng mga elemento ng Special Action Force sa sub-leader ng Sayyaf na si Gafur Jumdail at dalawa pa nitong kasamahang bandido noong Sabado ng hatinggabi sa Maimbung, Sulu.
Si Gafur ay kapatid ni Gumbahali Jumdail alyas Doc Abu Pula, isa sa mga wanted na lider ng Abu.
May plano umanong magsagawa ng mga pambobomba at kidnapping for ransom ang mga bandido.