'Mystery girl' na naghatid kay Mendoza sa Fort Santiago hanap ng NBI

MANILA, Philippines - Pinaghahanap na ng National Bureau of Investigation ang isang “babae” na umano’y nakitang nagmaneho at naghatid sa nasawing hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza sa Fort Santiago bago ito sumakay sa Hong Thai Travel bus at isinagawa ang hostage-taking sa may 25 pasahero nito.

Ayon kay NBI spokesman Atty. Cecilio Zamora, ilang kaanak ng hostage-taker ang iniimbestigahan na rin ng NBI-Death Investigation Division (DID) upang matukoy ang ‘misteryosang babae’ na sinasabing ipinagmaneho si Mendoza mula sa Tanauan, Batangas patungo sa Intramuros.

Nakita din ang presensiya ng nasabing babae sa PCP-Luneta na may kausap sa cellphone, na tila mismong si Capt. Mendoza ang nasa kabilang linya.

Nagtagal umano ang nasabing babae na ayon sa mga nakasaksi ay hindi kasama ng maybahay ni Capt. Mendoza na duma­ting kasama ang anak na si Grace, kapatid na si Florencio Mendoza habang naunang nasa hostage site si SPO2 Gregorio Mendoza.

Nang magkaroon ng komosyon at dakpin si Gregorio ay nagsilutang na rin ang mga pamangkin ni Mendoza na napag-alamang mga anak ni Gregorio na dalawang lalaki at isang babae. Hindi rin nakita sa footage ang nasabing babae.

Show comments