Rehab ng Laguna Lake hinaharang
MANILA, Philippines - Kinondena kahapon ng mga residente at mangingisda ng Laguna ang pagtatangka umano ng Jan de Nul, isang Belgian company, na pigilan ang P18.5-billion Laguna Bay Rehabilitation Project na isasagawa ng Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC).
Sa kanilang petisyon kay Pangulong Aquino, iginiit ng mga mangingisda at residente ng lalawigan na ang Jan de Nul ay tinatangkang gipitin ang Malacañang upang ipatigil ang proyektong pakikinabangan ng 13 milyong tao sa paligid ng Laguna Lake Region.
Hiniling nila sa Pangulo na balewalain ang mga alegasyon dahil ang Jan de Nul ay nagsa-“sourgraping” lamang.
Ang BDC, anila, ang bumalikat sa kanilang suliranin, samantalang ang Jan de Nul ay hindi pinansin ang kanilang paulit-ulit na mga problema ng pagbaha dahil sa ang Laguna de Bay ay bumabaw at hindi na kayang humawak ng malaking volume ng tubig.
Ang mga mangingisda at residente ay buhat sa 15 bayan ng Laguna na lumagda sa petisyong ipinadala kay Pangulong Aquino nooong Hulyo 29 na humihiling na ipatupad na ang proyekto bago pa manalasa ang isa pang bagyong Ondoy sa Kamaynilaan at Southern Luzon.
- Latest
- Trending