Taguig city hall sinugod, Ex-Justice Tinga nag-'Rambo'

MANILA, Philippines - Nag-ala “Rambo” umano si ex-Supreme Court Justice Dante Tinga at sumugod sa Taguig City Hall dahil diumano sa impormasyong nililinis ang City Auditorium at gagalawin ang mga ballot boxes na nakaimbak sa second floor ng auditorium. 

Ayon sa blotter sa Taguig police station, bandang ala-una ng hapon nitong Sabado nang biglang sumugod sa city hall si Tinga, ama ni ex-mayor at ngayo’y kongresista na si Freddie Tinga, kasama sina Vice Mayor Goerge Elias, mga Konsehal na sina Myla Valencia, Che Che Gonzales at Rodil Marcelino at iba pang supporters para komprontahin ang mga tauhan ng General Services Office (GSO).

“Wala kayong gagawin sa auditorium. Pag ginalaw nyo yan, makikita nyo ang hinahanap niyo. Lalaban kami sa mayor ni’yo,” salaysay ni Ryan Gutierrez, head ng GSO habang kinukwento ang panduduro umano na ginawa sa kanya ng grupo.

Ngunit tila kuyente pala dahil ang dinatnan ng grupo ni Tinga ay mga tauhan ng City Hall na naglilinis lamang pala sa auditorium, habang maayos naman ang kalagayan ng mga ballot box at ng mga watchers ng grupo ni Tinga.

Aniya, nagpumilit na pumasok sa City Auditorium ang kampo ni Tinga kung saan nakaimbak ang mga ballot boxes ngunit hindi pinayagan ng mga pulis dahil hindi sila authorized na pumasok dito.

Ani Gutierrez, nagbitbit din si Tinga ng photographer at videographer na nakilala sa pangalang Riquiza Vega at Rolando Florez, na sapilitang kumuha ng litrato at video ng mga tauhan ng GSO, habang sila ay tinatakot at hinaharass.

Ayon naman kay Team Cayetano spokesman at former councilor Atty. Darwin Icay, walang dapat ikabahala ang kampo ng ex-justice dahil maayos ang kalagayan ng mga ballot boxes at may bantay ang magkabilang kampo.

Matatandaang tinalo ni Congw. Maria Laarni “Lani” Cayetano si ex-Justice Tinga sa pagka-alkalde. Kasalukuyang may protesta ang matandang Tinga sa pagkatalo nito.

Show comments