Profile ni Pacquiao sa House 'binastos'

MANILA, Philippines - Nagulat ang mga miyembro ng media na nagkokober sa House of Representatives ng makita ang profile ni Sarangani Rep. Emmanuel “Manny” Pacquiao sa House official website kung saan nakasaad na 68 anyos na ang Pambansang Kamao.

Nakalagay sa website http://www.congress.gov.ph/members/search.php?congress=15&id=pacquiao na si Pacquiao ay ipinanganak noong May 28, 1942 at isa ng senior citizen. Kasal siya sa isang Elizabeth B. Salvalcion.

Sa official records ni Pacquiao, isinilang ito noong December 17, 1978 at 31 anyos lamang siya ngayon.

Kasal siya kay Maria Geraldine “Jinkee” Jamora Pacquiao at may apat silang anak na sina Jimuel, Michael, Princess, at Queen Elizabeth.

Agad namang inutos ni House Secretary General Marlyn Yap sa Information, Communication and Technology Services (ICTS) staff na itama ang entry sa website.

Nagpalabas din ng statement si Yap na humihingi ng paumanhin kay Pacquiao at sa pamilya nito.

“The Secretary General’s office have not yet released any data on the personal information submitted by members of the House of Representatives for website posting,” sabi ni Yap. “We are looking into the matter.”

Sa panayam, ipinagkibit balikat lang ni Pacman ang isyu at sinabing kahit nagkamali ang House website, common knowledge naman anya kung ilang taon na siya at kung sino ang kanyang misis.

“It should be no big deal. The people know my real age. I’m 31, turning 32 this December,” wika ni Pacquiao. “More importantly, the people know I am married to Jinkee,” sabi pa ng boxing hero.  

Show comments