Verzosa mataas ang approval ratings
MANILA, Philippines - Nakuha ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ang ikatlong pinakamataas na approval rating sa mga nangungunang opisyal na itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino.
Inihayag ng Pulse Asia na nagsagawa sila ng pambansang survey sa Presidential Trust Ratings, Presidential Appointments, at mga inaasahan pa sa mga opisyal ng gobyerno sa unang anim na buwan ng bagong administrasyon.
Si Verzosa na hindi tinanggal sa puwesto at muling itinalaga ni Pangulong Aquino bilang hepe ng PNP ay nakakuha ng 67% approval rating mula sa 1,200 respondents sa survey.
Kabilang pa sa mga nakakuha ng mataas na rating sa mga opisyal ng gobyerno ay sina DSWD Secretary Dinky Soliman (72 %), Justice Secretary Leila de Lima (69 %), DFA Secretary Alberto Romulo at Verzosa na nag-tie sa 67% ratings.
Sa public opinion survey na isinagawa naman ng Asia Pacific Center for Research (ACRE) nakakuha si Verzosa ng 70.31 satisfaction rating sa pagganap nito ng tungkulin bilang PNP Chief sa katatapos na May 10 elections. (Joy Cantos/with trainees Mary Joy Mondero/Mary Ann Chua)
- Latest
- Trending