'Di n'yo kami kaya!
MANILA, Philippines - Sa harap ng mga pagdududa sa kakayahan ng Truth Commission na ilantad ang katotohanan sa mga alegasyon ng katiwalian laban sa pamahalaan ni dating Pangulo at ngayo’y Rep. Gloria Arroyo, tahasan umanong hinamon ng ilang housing officials ng nagdaang pamahalaan na dawit sa multi-milyong pisong anomalya ang pamahalaang Aquino na hindi sila kayang usigin nito.
Ayon sa mapananaligang impormante, hinihilot ng mga opisyal ng Home Guaranty Corporation (HGC) ang bagong housing czar na si Vice President Jejomar Binay para manatili sila sa kanilang mga posisyon. Ang mga opisyal na ito, anang source ay naunang kinasuhan sa Ombudsman sa kuwestyonableng bentahan ng 2.8 ektarya ng lupa sa Harbor Center Port Terminal sa Maynila na sinasabing ikinalugi ng gobyerno ng mahigit P300 milyon.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng Ombudsman sina HGC President Gonzalo Bongolan, Elmer Nonnatus Cadano, Executive Vice President; Melinda Adriano, vice president, Guaranty Group; Rafael delos Santos, vice president, Asset Management Group; Corazon Corpuz, vice president Corporate Services Division; Danilo Javier, vice president, Legal Group at Jimmy Sarona, vice president, Management Services Group na kaugnay ng akusasyon.
Ang pagbuo ng Truth Commission na nakapaloob sa Executive Order 1 na pinirmahan ni Pangulong Aquino noong nakaraang linggo ay bahagi ng kampanya sa pagsugpo ng mga katiwalian sa pamahalaan. Pinamumunuan ito ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide at apat pang retiradong mahistrado.
Sa kanyang State of the Nation Address, matapang na hinamon ni P-Noy ang mga tiwaling opisyal ng nakaraang administrasyon na magbitiw sa tungkulin kung may nalalabi pang kahihiyan.
Sa kabila ng asunto, dumidikit umano ang grupo kay Binay upang muli silang makumpirma sa posisyon.
Inendorso na umano ni VP Binay sa Malacañang ang mga papeles ni Bongolan at hinihintay na lamang ang lagda ni P-Noy sa kanyang re-appointment.
- Latest
- Trending