MANILA, Philippines - Hiniling ng mga magsasaka sa Laguna na magbigay na ng “green light” si Pangulong Aquino para pasimulan ang P18.7-bilyong Laguna de Bay dredging project na magpapalalim sa lawa mula sa kasalukuyan nitong lalim na dalawang metro lamang nang sa gayon ay lumaki ang kapasidad ng lawa na maglaman ng tubig, at paluwagin ang navigational channels at makapagtayo ng 12 ferry stations.
Pumirma sa petisyon ang mga miyembro ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC), samahan ng mga mangingisda at mga operator ng maliliit na fish cages sa unang distrito ng Laguna na inaasahang ipapaabot kay Pangulong Aquino.
Pinuri sa petisyon ang proyekto na isinasagawa ng Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC), isang Belgian dredging company na siya ding kumumpleto sa dredging ng 17-kilometro ng Pasig River nang una nang dalawang buwan sa panahong itinakda noong nakalipas na taon.
Ang Fortis Bank, isang subsidiary ng global banking giant na BNP-Paribas, ay sumusuporta din sa proyekto, na magdaragdag ng water holding capacity ng 94,900-ektaryang lawa, ang ikatlong pinakamalaki sa Asya.
Nakipagpulong din ang mga opisyal ng kumpanya kay Laguna Gov. Jeorge “ER” Estregan, na sinasabing hindi naman kontra sa implementasyon ng proyekto.