MANILA, Philippines - Hindi si Fernando V. Gonzalez kundi si Reno G. Lim ang tunay na halal na kongresista ng ikatlong distrito ng Albay.
Ito ang desisyon na ipinalabas ng Commission on Election (Comelec) En Banc noong July 23, kung saan ay ibinasura nito ang proklamasyon ni Gonzalez dahil ito’y isang Kastila.
Sa naturang resolusyon ay agaran ring pinabubuo ng Comelec ang isang Special Provincial Board of Canvasser sa Albay para maiproklama si Lim.
Ang desisyon ng Comelec En Banc ay kumilala lang sa naunang desisyon ng Comelec 2nd Division noong May 8, 2010, na nagdiskwalipika kay Gonzalez sa pagtakbo noong nakaraang May 10 elections.
Sinabi ng Comelec na si Gonzalez ay ipinanganak sa amang Kastila noong September 11, 1940 kung kaya sa ilalim ng 1935 Philippine Constitution ay isang Spanish citizen, na kinakailangang sumunod sa Alien Registration Act of 1950.
Bagamat Pilipina ang ina ni Gonzalez, lumalabas na hindi niya pinili ang maging Filipino citizen noong siya ay dumating sa takdang gulang o age of majority, bagkus ay sumailalim lang sa late registration.
Idineklara rin ng Comelec na “premature” at “illegal” ang proklamasyon ni Gonzalez na isinagawa ng Provincial Board of Canvassers ng Albay noong May 12, 2010. (Butch Quejada/Mer Layson)