Hirit sa mga elected officials, drug test!
MANILA, Philippines - Dahil sa kasong droga na kinakaharap sa Hong Kong ni Ilocos Sur Congressman Ronald Singson, anak ni Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson, binuhay ni Senator Vicente “Tito” Sotto III ang mandatory drug test sa mga nahalal na opisyal ng gobyerno.
Nais ni Sotto na gamitin ang kaso ni Singson upang igiit sa mga halal na opisyal ng gobyerno na boluntaryong magpa-drug test.
Mismong si Sotto ay sasailalim sa boluntaryong pagpapa-drug test sa susunod na linggo sa Philippine Drug and Enforcement Agency (PDEA) upang mapatunayan na hindi siya gumagamit ng anumang ipinagbabawal na gamot.
Ikinatuwiran ni Sotto na mahalagang hindi pagdudahan ang lahat ng opisyal ng gobyerno na gumagamit ng droga at hindi na aniya dapat maulit ang kaso ni Singson.
Bagaman at nauna nang ibinasura ng Supreme Court ang panukala ni Sotto noong nasa Dangerous Drugs Board pa siya na mandatory drug test sa mga opisyal ng gobyerno, maaari namang magboluntaryo ang mga halal na opisyal na sumailalim sa drug test.
Naniniwala rin si Sotto na dapat pa ring pag-aralan sa Kongreso kung paano makakapagpasa ng batas para sa mandatory drug test ng mga opisyal ng pamahalaan.
Si Singson ay kasalukuyan pa ring nakakulong sa Hong Kong matapos mahulihan ng 26 na gramo ng cocaine.
Sinabi ni Sotto na posibleng madali lamang nailabas ng bansa ang cocaine dahil bukod sa konti lamang ito ay madaling maitago.
- Latest
- Trending