MANILA, Philippines - Naalarma ang mga kalapit na bansa ng Pilipinas matapos na yanigin ng tatlong magkakasunod na lindol na tumama sa Moro Gulf sa Mindanao at naramdaman din sa Visayas hanggang Luzon.
Ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), bagaman niyanig ang malaking bahagi ng bansa ay wala namang naitalang pinsala.
“There are no reported damages in the Cotabato City areas,” pahayag ni NDCC Executive Officer Benito Ramos.
Sinabi ni Ramos base sa report ng Phivolcs bagaman walang pinsala sa mga istraktura ay inaasahan ang mga aftershocks.
Bandang alas-6:08 ng umaga ng yumanig ang 6.9 magnitude ng lindol na sinundan ng magnitude 6.7 dakong alas 6:51 at alas-7:15 naman ang magnitude 7.1.
Ilan sa mga lugar na nakaramdam ng pagyanig ay ang lungsod ng Maynila na naitala sa intensity 2, maging sa Bicol region sa lungsod ng Legaspi, Cebu sa Visayas Region at Dumaguete City at Tacloban City.
Sa Mindanao, bahagya rin itong naramdaman sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Cotabato, Kidapawan, Dipolog, at Davao.
Naitala ang intensity 3 sa General Santos City, Surigao del Sur, San Jose at Antique.
Habang nasa intensity 4 ang mga pagyanig ng lupa sa Tanjay City, San Jose City sa Negros Oriental.
Gayunman walang napaulat na nasaktan sa lindol o nasirang imprastaktura kung saan mahina ang epekto nito dahil napakalalim ng epicenter.