MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni QC Regional Trial Court, Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes ang pagbasa ng sakdal laban kay Andal Ampatuan, Jr. at 20 iba pa na akusado sa Maguindanao masaker.
Kasabay nito, sa dalawang pahinang kautusan ni Judge Solis-Reyes, inutos nito ang pagpapaaresto sa 135 iba pang mga suspek sa krimen na nananatiling nakalalaya.
Inisyal na nasampahan ng kasong 56 counts ng murder ang naisampa ng prosekusyon laban sa mga suspek at nadagdagan pa ng kasong murder dahil sa ika-57 biktima ng krimen.
Itinakda ni Judge Solis Reyes ang arraignment para dito sa Hulyo 28, 2010 alas-9 ng umaga sa QC Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ang iba namang akusado sa krimen ay hindi pa naisasailalim sa arraignment dahil nakapending pa ang kanilang mga mosyon at petisyon sa korte kaugnay ng kaso.
Inutos na arestuhin ang may 135 iba pang akusado sa krimen matapos makakita ng probable cause ang korte upang ang mga ito ay maidiin din sa naturang kaso.
Samantala, isusumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa prosecution panel ng Department of Justice (DOJ) ang report sa isinagawang imbestigasyon sa umano’y bribery attempt ng isang retired Air Force colonel sa key witness sa Maguindanao massacre na si Kenny Dalandag.
Ito’y matapos na makapagsumite na ng affidavit si dating NBI director Nestor Mantaring noong Huwebes, na ipinadala sa isang courier, kaugnay sa paliwanag nito hinggil sa akusasyong may kinalaman siya sa pagtungo ng isang ret. PAF Antonio Mariano sa NBI upang kausapin at himukin na umurong na sa pagtestigo sa Maguindanao massacre si Dalandag kapalit ng P10-milyon. (Angie dela Cruz/Ludy Bermudo)