Mga pulis sa Maguindanao massacre muntik magpatayan
MANILA, Philippines - Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Korte Suprema na payagan ang mga pulis na akusado sa Maguindanao massacre na ihiwalay ng kulungan dahil sa muntik na umanong magpatayan ang mga ito at ang kapwa nila akusado na sumusuporta sa mga Ampatuan.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, nakatanggap sila ng ulat na nagkaroon ng riot sa pagitan ng tagasuporta ng Ampatuan at ng mga pulis na handang tumestigo laban sa mga ito.
Tumanggi naman ang Kalihim na magbigay pa ng detalye tungkol sa komprontasyon sa pagitan ng dalawang grupo at sa pagkakakilanlan ng mga nagnanais na maging testigo basta ang nais lamang umano nila ay mailipat ang mga ito sa PNP custodial center.
Hindi naman tumatanggi ang PNP sa nais ng DOJ base sa kanilang liham na ipinadala kay Supreme Court (SC) Court administrator Atty. Midas Marquez.
Habang wala pa umanong direktiba ang SC, hiniling na lang muna ni de Lima kay DILG Secretary Jess Robredo na ihiwalay ng pasilidad sa loob din ng Bicutan jail ang mga ito mula sa detention cell ng Ampatuan upang maiwasan ang komprontasyon gayundin ang harassment at panunuhol sa mga akusado na nais na tumestigo.
- Latest
- Trending