MANILA, Philippines - Umapela kahapon kay Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ang mga militanteng grupo na huwag silang itaboy sa malayo kasabay ng nakatakdang State of the Nation Address (SONA) nito sa Hulyo 26 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa may Quezon City.
Sa ginanap na pulong Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Renato Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), umaasa silang hindi sila itataboy sa malayo ng mga awtoridad dahil nais lamang nilang marinig ang sasabihin ni Pangulong Aquino.
Pinuna ni Reyes ang “over acting” na reaksiyon ng kapulisan dahil sa napakalaking bilang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na itatalaga sa bisinidad kung saan gagawin ang SONA ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Reyes, hindi umano magandang tignan na nagsanay pa ang mga pulis kung paano paluin ng makas ang mga raliyista samantalang sinabi ni Aquino na tapos na ang manhid na gobyerno.
Dapat umanong ipakita ng administrasyong Aquino na bukas sila sa daing ng mamamayan at hayaan nilang makalapit naman ang mga ralyista.