Patay kay Basyang, 65 na
MANILA, Philippines – Lumobo sa 65 katao ang death toll sa bagyong Basyang, 87 ang nawawala habang aabot naman sa P188 milyon ang pinsala sa paghagupit nito sa mga apektadong lugar sa bansa.
Ayon kay National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Officer Benito Ramos, tumaas sa 65 ang death toll matapos na makarekober pa ang search and retrieval tem ng karagdagang 26 bangkay.
Ang Region IV-A ang may pinakamataas na bilang ng mga nasawi na aabot sa 38 katao, 33 ang nawawala at 23 pa ang sugatan habang pinakamataas naman ang bilang ng mga nawawala sa Region V na naitala sa 47 katao.
Sa halip naman na bumaba ay nadagdagan pa ng isa ang bilang ng mga nawawala na karamihan ay mga mangingisda na umabot na sa 87 katao habang tumaas naman sa 30 katao ang bilang ng mga sugatan.
Sa 87 kataong nawawala, anim rito ay sa Region III, 32 sa Region IV-A, 46 sa Region V at isa sa Region VI.
Samantala, lumobo pa sa P188.72 M ang inisyal na pinsala sa imprastraktura, agrikultura at mga paaralan dulot ng pagbayo ng bagyo.
Naitala naman sa 36,520 pamilya o kabuuang 178,389 katao ang naapektuhan ng bagyo mula sa 541 barangays mula sa 61 munisipalidad na sinalanta ni Basyang sa Region IV-A, Region V, Region III at National Capital Region (NCR).
Sa kasalukuyan ay nasa 1,096 pamilya na lamang o katumbas na 5,395 indibidwal ang nanatili sa 31 evacuation centers.
- Latest
- Trending