Pekeng pilot licenses nabibili
MANILA, Philippines - Nabuko ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sabwatan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pagitan ng mga sindikato at mga dating official sa Air Transportation Office (ATO) matapos makakalap ng ebidensiya tungkol sa pagbibigay ng mga fake pilot licenses, fabricated certificates na may pekeng pirma ng mga dating assistant secretary dito ng hindi na kumukuha ng examination para maging piloto.
May P2 million ang halaga ng lagayan sa mga sindikato para mabigyan ng lisensiya bilang commercial pilots at makapagpalipad ng mga malalaking eroplano.
Ayon sa natuklasan ng NBI, ang mga sindikato sa nasabing lugar ay matagal ng nagsasagawa ng operasyon at hindi birong halaga ang kinita nila sa loob ng ilang dekada.
Ayaw muna ng mga ahente ng NBI na ibulgar ang mga pangalan ng mga nakipagsabwatan sa sindikato habang nagsasagawa pa ang mga ito ng malalimang imbestigasyon.
“Karamihan sa mga bumili ng pekeng lisensiya ay mga banyaga,” anang source.
Ayon pa sa source, pumapayag ang mga gustong maging piloto na magbayad ng malaking halaga dahil ganito rin halos ang magagastos nila habang nagpapalipad sila ng eroplano, ang kainaman lamang ay mas mabilis nilang nakukuha ang kanilang flying certificate.
Ngunit ang hindi alam ng mga ito ay peke ang ibinibigay sa kanila.
- Latest
- Trending
















