Giit ng Arsobispo: Mga dating pangulo siyasatin din ng Truth Commission
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang dapat na imbestigahan ng Truth Commission kundi maging ang mga dating Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, kung uumpisahan ang imbestigasyon kay Arroyo, mas makabubuting isalang na rin sa kaparehong pagsisiyasat ang ibang mga dating pangulo.
Iginiit pa ni Rosales na hindi lamang si Arroyo ang kailangang litisin kundi maging ang ibang mga kaalyado nito na posibleng nagkaroon ng mga iligal na gawain ay marapat lang na isama sa iimbestigahan.
Bagama’t pabor umano ang simbahang Katoliko sa pagbuo ni President Noynoy Aquino ng Truth Commission na lilitis at mag-iimbestiga sa mga posibleng katiwalian ng nakaraang administrasyon ay marami pa rin umanong dapat isaalang-alang sa usaping ito.
Tiwala naman ang Kardinal na dadaan sa due process ang lahat at hindi pulitika ang magiging basehan ng pagsisiyasat.
Una ng itinalaga ni P-Noy si dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide para pangunahan ang binuong Truth Commission.
Ayon kay P-Noy nais niyang matuldukan ng itatayong komisyon ang maraming mga isyu at kung maaari ay ihabla at litisin ang mga nagkasala.
- Latest
- Trending