Palpak na interconnectivity sa LTO at LTFRB, kinondena
MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng militanteng transport group na Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang umano’y palpak na interconnectivity ng Stradcom Corporation sa pagitan ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising Regulatory Board na pormal na pinasimulan nitong Lunes.
Ayon kay Goerge San Mateo, secretary general ng Piston, okey lang sana sa kanilang hanay kung ang interconnectivity ng LTO at LTFRB ay makakatulong sa pagpapabilis ng confirmation sa LTFRB at rehistro sa LTO gayundin kung maaalis ang red tape pero dahil sa nangyaring kapalpakan sa unang araw ng implementasyon ng programa ay mas mabuti pa anyang ‘wag na lamang itong ituloy.
Nitong Lunes, kokolekta na ang Stradcom ng P99 sa kada pampasaherong sasakyan na idadaan sa sistema ng kumpanya ang confirmation mula sa LTFRB pero maghapong delay ang rehistro ng mga sasakyan dahil nahirapan ang Stradcom na maipasok sa kanilang sistema ang records ng mga TPL insurance ng mga pampasaherong sasakyan.
Bunsod nito, maraming bilang ng mga operator ng mga pampasaherong sasakyan ang nagalit dahil malakas pa ang ulan at pagod na sila sa kahihintay ay hindi nairehistro ang kanilang sasakyan na karamihan ay mga sasakyang may ending 6 na hanggang ngayong araw na ito na lamang ang rehistro na walang multa dahil walang pasok sa Hunyo 30, araw ng inagurasyon ni President-elect Noynoy Aquino.
Binigyang diin pa ni San Mateo na hindi na dapat pang balikatin ng mga operator ng mga pampasaherong sasak yan ang P99 kada sasakyan para sa interconnectivity dahil bahagi ito ng administrative responsibility ng LTO at LTFRB para paghusayin ang serbisyo sa publiko.
- Latest
- Trending