MANILA, Philippines - Tatlong Pinay na biktima umano ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng kanilang sponsor ang humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas upang masagip at mapauwi sa Pilipinas mula sa Saudi Arabia. Hiniling ng tatlong Pinay kay Ambassador Antonio Villamor na tulungan silang makauwi sa Pilipinas o kaya ay makahanap ng ibang sponsor.
Nabatid sa tatlong Pinay na minamaltrato sila ng Syrian na asawa ng kanilang sponsor bukod sa hindi pagbibigay sa kanilang limang buwang sahod na 5,000 Saudi riyals o 1,000 riyals ($266) kada buwan.
Sinabi ng isang Pinay na pinagsasampal at sinuntok sa dibdib ng misis ng kanyang sponsor na naganap noong Hunyo 13, 2010 nang atasan silang tatlo ng kanilang among babae na magtrabaho ng iba’t ibang gawaing bahay.
Habang nagluluto umano ang isang Pinay ay tinawag ng among babae at tinanong kung naririnig ba niya ang kanyang mga tagubilin kung kaya sumagot ang una na narinig nya subalit uunahin muna niya ang ginagawang pagluluto. Dito umano nairita ang among babae at bigla na lamang siyang sinuntok sa dibdib at sinampal sa mukha. Ayon naman sa isa pa, binantaan din umano siyang bubuhusan ng mainit na tubig ng among babae na naganap habang nagbabakasyon ang mag-asawang amo at kanilang mga anak sa Lebanon.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah para sa kaso ng tatlong OFWs.