MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang hinatulan ng pagkakakulong matapos ang umano’y tangkang panghoholdap sa isang bangko, pagtangay ng sasakyan at pananakot at intimidasyon ng ilang katao sa Vienna, Austria.
Kahapon ay hinatulan sa sala ni Viennese District Judge Martina Spreitzer-Kropiunik Zola ang 28-anyos na Pinoy na nakilalang si Jariel Berberabe ng anim na taong pagkabilanggo matapos na mag-plead ng guilty sa kanyang arraigment noong Miyerkules.
Sa rekord ng korte, pinasok ni Berberabe noong Abril 8, 2010 ang Volksbank na matatagpuan sa 19 District ng Vienna. Tinutukan ang mga empleyado ng bangko at iniutos na ilabas ang pera. Gayunman, mabilis na mapindot ng isang teller ang alarm button sanhi upang mag-panik si Berberabe at mabilis na tumakbo papalabas ng bangko na walang natangay na pera.
Sa pagtakas ng nasabing Pinoy ay hinarang nito ang isang Toyota Yaris na minamaneho ng isang press photographer na nakatakdang mag-park malapit sa bangko at tinutukan agad ng patalim saka inutos na bumaba ang huli sa kanyang sasakyan at tangayin ang kanyang kotse.
Mabilis na pinaharurot ng akusado ang get-away vehicle hanggang sa abadonahin nito sa area ng Weilgasse hanggang sa magtago sa residential complex sa Pokornygasse.
Mabilis namang nagresponde ang mga kagawad ng Vienna Police at bunga ng naiwang jacket ng akusadong Pinoy ay natunton ito ng mga ginamit na Police dog at special unit ilang sandali lamang ng kanyang pagtakas noong Abril 8.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, malaking pagkakautang sa pera bunga ng pagkalulong sa sugal ang sinasabing nag-ugat at nag-udyok sa Pinoy na mangholdap ng bangko.